Tuesday, December 30, 2008

ang maputing pasko 2008

dear mazi,

merry christmas sweetheart! 6th christmas in richmond, bc!! wow!! for the first time, we experienced white christmas!! everywhere you look, it is blindingly white! it was awesome!

well, this time, i will try to write you in tagalog since you want us to talk to you in tagalog...here it goes....

anak, maswerte tayo at nakaraning tayo dito sa bansang pangako.... ok rin naman ang buhay natin sa pilipinas subalit mas naging kaaya-aya at maunlad ang ating pamumuhay mula ng lumipat tayo dito sa canada. dito tayo unang nagkaroon ng sariling bahay at mga sasakyan. naging masigasig din kami ng nanay mo sa aming mga karera. nabiyayaan kami ng mga trabahong nagbigay satin ng karangyaan sa buhay.

natustusan natin ang mga pangangailangan at mga rangya sa buhay. nakapagliwaliw tayo sa ibang bansa at nakaranas ng maraming bagay na nagpapaligaya sa atin.

tayo ay nagpapasalamat unang una sa poong maykapal sa pagbibigay sa atin ng ganitong pagkakataon at sa lahat ng biyayang ating natatanggap. ganon din ang patuloy nyang paggabay sa ating araw araw na buhay. hindi rin nya pinabayaan ang ating mga mahal sa buhay. patuloy nyang ginagabayan tayong lahat.

ang paskong ito ay ang patuloy na paggunita sa pagsilang sa ating mahal na poon. dapat ay patuloy nating isapuso at isip na ito ang dahilan kung bakit tayo nagsasaya at naghahanda tuwing darating ang ganitong panahon. ang lahat ng meron tayo ay patuloy nating idinudulog at iniaalay sa kanya.

sa ngayon, natutuwa ako at ikaw ay naligayahan sa mga regalong iyong natanggap mula sa amin at sa iyong mga mahal sa buhay. sana ay patuloy mong pagyamanin ang pagmamahal at pagpapahalaga na binibigay namin sa iyo.

patuloy ka sanang lumaki na nagmamahal sa diyos at nabubuhay ayon sa kanyang kagustuhan. patuloy mo rin sanang mahalin ang iyong mga magulang, at mga kamag-anak. lumaki ka nawa na may pagmamahal sa puso at respeto sa kapwa. patuloy ka sana magsumikap sa iyong pag-aaral at patuloy na abutin ang iyong mga pangarap. maging maligaya ka nawa sa pipiliin mong karera.

ikaw ang aming buhay ng iyong ina. ikaw ang aming tanglaw sa aming buhay. ang lahat ng pinagsusumikapan namin ay para sa iyo at sa amin. maging maayos masaya ka sana sa lahat ng desisyon na iyong gagawin sa iyong buhay.

masyado ng seryoso ang aking mga nalathala sa itaas. gusto ko lang maiparating sa iyo ang aming taus pusong pagmamahal at ang aming pangako na patuloy ka pa rin namin gagabayan.

nagmamahal,

tatay

No comments: